Ang Pagsasalaysay

Ang salaysay na ito ay isinulat noong Nobyembre, 2007.  Ang lahat ng mga tauhan at pangyayaring nabanggit ay totoo at batay sa personal na karanasan ng awtor. – amendozajr.

Chapter I

Alas-singko ng madaling araw,  Nobyembre 29, 2007.

Bagama’t inaantok pa ay napilitan na siyang bumangon para maghanda sa pagpasok sa trabaho. Kailangan niyang makarating ng opisina ng maaga para sa kaniyang regular newscast ng alas-syete.

“May malaki ba tayo ngayon?” tanong nito sa nadatnang kasama pagdating ng newsroom habang hawak ang mug ng mainit na kape.

“Utak sa Batasan bombing, tukoy na,” tugon ng pinagtanungan.

“At saka si AKON, dumating kaninang madaling araw.”

Chapter II

Pasado alas-onse ng umagang iyon habang hinahanay niya ang game schedules ng mga atletang Pinoy na kalahok  sa 24th SEA Games, nabaling ang kaniyang atensyon sa isang breaking news sa TV : “Nag-walkout sina Trillanes at General Lim sa korte!”

“Maghanda ka, puntahan ninyo iyan,” sabi sa kaniya ng News Director, habang ang lahat ay nakatutok pa rin sa live video ng ginagawang pagmartsa ng grupo nina Trillanes sa kahabaan ng Makati Avenue.

Nagsimula ng umambon noon. Saktong naabutan nila ng isa pang kasamahang reporter ang grupo nina Trillanes na papasok sa Manila Peninsula Hotel.

“Sir, nandito sila sa ManilaPen.” “Yes sir, opo sir” “Standy-by lang kami dito sir,” ang narinig nitong sinasabi ng isang miyembro ng Philippine Marines sa  isang kausap sa cellphone.

Pagpasok nito sa loob ng hotel, kaagad nitong nasulyapan si Marine Captain Nicanor Faeldon, isa sa mga lider ng Magdalo soldiers, na naka-upo sa isang coffee table sa lobby, kalmadong nakikipag-usap sa isang babaeng reporter.

May ilan ding mga Magdalo na naka-tayo at palakad-lakad sa hotel lobby, lahat sila unipormado, may back-pack na kulay itim at may bitbit na mahahabang kalibre ng armas: M-16, M-14.

Ilan sa kanila ay pamilyar na ang mga mukha  mula sa naganap na 2003 Oakwood Mutiny incident.

Sa mga oras na iyon, hindi pa tensyonado ang paligid. Tuloy at abala pa sa pagsi-serve ng pananghalian ang mga waiters sa ibang guests na nandoon.

May ilang bisita ng hotel ang nagawa pang magpakuha ng pictures habang nagsisilbing back-ground nila ang mga sundalong Magdalo.

Chapter III

Patakbo nitong inakyat 2nd floor, kung saan naabutan nitong nakapuwesto sa mezzanine si Scout Rangers Brigadier General Danilo Lim habang binabasa ang isang statement. Agad siyang pumuwesto sa bandang likuran ng heneral, katabi ang isang lalaki.

Maliban sa suot nitong kulay itim na uniporme ng Scout Ranger at naka-usling kwelyo ng polo-shirt na panloob ay napansin niyang may kakaiba pa sa postura ng katabi – ang kanyang buhok.  Ang lalaki ay nakasuot ng wig!

“Today, we address all decent Filipinos to announce that now is the time to end the sufferings and miseries inflicted upon us by the illegitimate Gloria Macapagal Arroyo government and start a new life, a new Philippines. The die is cast pursuant to our constitutional mandate as protector of the people and state… We therefore call on our people and all the government around the world to give the constitutional rescue initiated by our patriotic brothers in the Armed Forces of the Philippines and the Philippine National Police a chance to work… To the task of organizing a new government and pursuing a program of total and no nonsense reform, we commit our full support.We shall do whatever we can too to prevent any backsliding to the corruption and abuse of power of the immediate past and advance the cause of truth, freedom and justice, peace and progress for all Filipinos. God bless the Filipino people. Mabuhay ang Pilipinas.”

Habang abala si Gen. Lim sa pagsagot sa mga katanungan ng ibang mga reporters na nadoon, bigla namang nagkagulo ang mga cameramen at photograpers ng makita ang pagdaan ni Senador Antonio Trillanes.

Mabilis ang mga lakad ng senador habang papasok sa isa sa mga pasilyo ng 5-star hotel.

Napapalibutan ito ng mga sundalong Magdalo, ilan sa kanila ay nakilala niya sa pamamagitan ng kanilang  namecloth na sina 1st Lt. Sanggalang, Lt.SG Layug at Capt. Alejano.

“Sir, ano ba ang plano ninyo?”, “Are you taking over this hotel, Senator?”, “Oakwood Part II ba ito, sir?”

Sunod-sunod ang tanong ng mga reporters sa mambabatas, pero tumanggi itong magsalita at tuloy-tuloy lang sa pagpasok sa isang function room ng hotel – ang Rizal room.

Chapter IV

Namataan din sa Rizal room ang ilang mga sibilyan at prominenteng personalidad gaya nina Bishop Julio Labayen, Bishop Tobias, Former U.P. President Nemenzo, Atty. J.V. Bautista, Atty. Archee Guevarra, dating Vice President Teofesto Guingona at anak nitong si Estrella.

“Mag-uusap muna kami. Pag-uusapan muna namin kung ano ang susunod naming hakbang,” ayon sa isang sundalo na nakabantay sa pintuan ng kwartong iyon.

Bago nangyari ang kaganapan sa Manila Peninsula, ng umagang iyon ay nagsagawa ng pagdinig ang Makati Regional Trial Court-Branch 147 sa sala ni Judge Oscar Pimentel sa kasong kudeta laban kay Senador Antonio Trillanes, Brigadier General Danilo Lim at mga co-accused na sina Gerardo Gambala, Lawrence San Juan, Sonny Sarmiento, Nicanor Faeldon at Gary Alejano.

Ang kaso ay hinggil sa nabigong “2003 mutiny” ng grupo ni Trillanes matapos okopahin nila ang primyadong hotel ng Oakwood sa bahagi ng Ayala.

Sa nabanggit na pag-aklas, ipinanawagan ng mga sundalo ang pagbaba sa puwesto ng Pangulong Gloria Arroyo.

Kabilang sa kanilang mga isyu noon ay ang talamak na katiwalian sa gobyerno, malawakang dayaan sa nakaraang 2001 Presidential elections at problema sa loob at hanay ng militar.

Matapos ang testimonya ni Gen. Lim sa witness stand, nagkaroon ng recess ang korte, kung saan habang naka-recess ay tinangka ng mga media na mainterbyu sina Trillanes pero pinigilan sila ng military police (MP) na bantay ng mga akusado.

Dito na nagsimula ang komosyon nang pinagpilitan ni Trillanes ang interview, hanggang sa nagkasagutan at nagkatulakan ang panig ng mga bantay at ng binabantayan.

Kasunod ng nangyaring kaguluhan at tensyon sa loob ng courtroom, matagumpay na nakababa at nakalabas ang grupo nina Trillanes sa gusali ng Hall of Justice.

Kasama ang may 10 hanggang 15 nilang police escorts, malayang nilakad ng grupo nina Trillanes ang kahabaan ng J.P Rizal, Makati Avenue hanggang makarating ang grupo sa Manila Peninsula hotel.

Chapter V

Habang nagaganap ang tensyon sa Makati, abala naman sa mga oras na iyon ang Pangulong Gloria Arroyo sa pakikipagpulong sa mga lokal na opisyal ng Region 4-A at CALABARZON (Calamba, Laguna, Batanggas, Rizal, Quezon) para sa isang local peace and security meeting sa bahagi ng Infanta, Quezon.

Nang matanggap ang report hingil sa kaganapan sa Metro Manila, dagling bumalik ng Malacañang ang Chief Executive, lulan ng presidential helicopter para magpatawag ng isang emergency meeting ng kanyang National Security Council.

Alas 2:46 ng hapon ng ipag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Police Director Geary Barias sa mga tao sa loob ng hotel na lisanin ang gusali.

Ang order ng NCRPO Chief ay kasunod ng ipinalabas na arrest warrant ni Judge Oscar Pimentel laban sa grupo ni Trillanes at binibigyan ang mga ito hanggang alas-3:00 ng hapong iyon para sumuko.

Ipinagbawal na rin ng mga otoridad sa sinoman na pumasok sa hotel habang patuloy ang ginagawang negosasyon ng PNP sa grupo ng Magdalo.

Malakas na ang ugong-ugong na naghahanda na ang tropa ng gobyerno na aatakehin ang grupo nina Trillanes.

Ang Armed Forces of the Philippines ay nag-deploy ng tatlong batalyon ng mga sundalo sa mismong sentro ng Makati Business District. Tatlong Armored Personnel Carriers (APC) tank ang ipinadala ng Philippine Marines sa lugar para tulungan ang tropa ng pamahalaan sa pag-sawata ng rebelyon!

Sa utos ng hotel management, napilitang lisanin ng mga local at foreign guests ang Manila Peninsula, kanya-kanyang bit-bit ng mga gamit, isa-isang sumakay sa mga sasakyan na maghahatid sa kanila sa mas ligtas na lugar. Maging ang mga empleyado ng hotel: manager, receptionist, bell-man at waiter ay sumama na rin sa pag-likas.
Ang ginawang pag-evacute ng mga tao ay naging hudyat din para sa mga mamamahayag sa loob ng hotel na lumabas.

Nagpasiya siyang magpa-iwan sa loob.

Chapter VI

Ang mataong hotel lobby ay biglang naging abandonado. Ang kanina’y maingay na paligid, ay nakakabingi na ang katahimikan.

Lagpas na iyon ng alas-tres ng hapon. Lumagpas na ang deadline na ipinataw ng mga otoridad para sa grupo ni Trillanes at General Lim na sumuko.

Nasa lobby siya noon at nagrereport, nagsasalarawan sa mga kaganapan sa loob: mga Magdalo na naka-posisyon, nakasandal sa gilid ng pader, may nakadapa at kumukubli habang ang mga baril ay naka-umang sa labas.

“Bok, bantay ka diyan, may tao diyan!” narinig niyang babala  ni 1st Lt. Sanggalang sa isang kasamahang sundalo na naka-posisyon sa bandang kanan na bahagi ng lobby.

Ang tinutukoy ng batang opisyal ay ang unit ng PNP-SWAT na naka-posisyon na rin ng mga oras na iyon at naghahanda na para puwersahang pasukin ang hotel.

“P’re, huwag ka diyan, may tao daw diyan, dito tayo,”  tawag sa kaniya ng isang kakilalang reporter ng Philippine Daily Inquirer na si Gil Cabacungan.

Umakyat sila sa second floor ng hotel, kung saan naroroon ang iba pang mga reporters na nakulong din sa hotel. Kaniya-kaniya na silang hanap ng matataguang lugar. Ang iba ay umakyat na rin sa 3rd floor.

“Pak, pak, pak!” tatlong sunod-sunod na putok ang umalingaw-ngaw.

Takbuhan silang lahat papasok sa koridor.

Kaniya-kaniyang tago. Kaniya-kaniyang hanap ng makukublihan. Maya-maya pa,  isang malakas na pagsabog ang yumanig sa buong gusali ng Manila Peninsula.

“Pinapasok na tayo!” sigaw ng isang sundalong Magdalo. “Nasa baba na ang tanke!”

“Tear gas!” “tini-tear gas nila tayo!” sigaw pa ng isang babaeng reporter.

Ilang segundo lang, gumapang na ang usok.  Napuno na ng usok ang  kabuuan ng lobby.

Iba ang tama ng tear gas. Mahapdi sa ilong, maanghang sa mata at masakit sa baga. Kumakapit ito sa damit at makati sa balat.

“Huwag kayo diyan!” sabi ng isang sundalo sa ibang mga reporters na nagkulong sa CR. “Lalo kayong maso-suffocate diyan!”

“Sir, ano na ang gagawin ninyo?” “Sir, nilulusob na tayo!” “Hindi pa ba kayo susuko?” sunod-sunod na tanong ng mga nagpapanik na mga reporters kay Atty. Guevarra.

“Wala kaming ginagawang masama. We are just exercising our rights here. Hindi kami susuko, we will hold our grounds!” matapang na pahayag ng abogado, sabay talikod at bumalik sa loob ng nabanggit na function room.

Lumabas si Bishop Labayen sa function room at tinawag ang mga tao sa koridor.  “Dito kayo!” anang Obispo, “pasok kayo rito!”

“Para walang madamay na sibilyan, we are coming out!” pagdeklara ni Trillanes.

“Sir, paki-ulit po ng sinabi ninyo”, “Tama ba sir na lalabas na kayo?” sunod-sunod na tanong ng media sa senador.

“Yes, we are coming out!” pagdeklara ng opisyal.

Chapter VII

Maya-maya pa, biglang bumukas ang pintuan ng kwartong iyon. Ilang mga naka-gas mask na operatiba ng SWAT ang bumungad.

“Dapa! Dapa kayong lahat!” utos ng team leader.

“Media! Media kami, sir!” halos sabay-sabay na sagot ng mga reporters, habang nakataas ang mga kamay.

“Huwag kayong magpapaputok, mga media kami!”

“Labas!” “Lumabas na kayo!” order ng opisyal, sabay hatak sa damit ng isang reporter.

Makapal pa ang usok ng teargas sa lobby nang lumabas sila. “Gumapang kayo, para hindi ninyo malanghap ang tear gas!” suhestiyon ng isa.

Agad silang sinalubong ng iba kagawad ng PNP-SWAT at CIDG.

“ID!” “Labas mo ID mo!” mabagsik na utos ng isang sundalo.

“‘Eto po sir, reporter ako,” paliwanag nito sa opisyal.

“Diyan ka lang. Huwag kang umalis diyan, ha!” mahigpit nitong bilin.

Habang abala ang lahat ng mga bantay sa pag “account” ng mga tao mula sa loob ng hotel, sinamantala niyang ang pagkakataon para “tumakas.”

Nalaman niyang kasunod noon ay pinosasan ng mga otoridad ang ilan sa mga kasamahang reporters at cameramen.

Isinakay sa bus ng MMDA at dinala sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig para daw sa “proper accounting.”

Nakaposas din ng ilabas sa hotel sina Trillanes, General Lim at mga kasamahan nito habang iniiskortan at isinakay sa bus ng PNP, patungong Bicutan.

Sa ipinatawag na press conference ng Malacañang, idineklara ni Interior Secretary Ronaldo Puno na tapos na ang kresis sa Makati.

Nagpasalamat ang opisyal at mapayapa na naresolba ang problema at walang nadamay, nasaktan o ang mas masama ay namatay sa pangyayari.

Sa kabila nito, nagpatupad pa rin ng curfew ng gabing iyon ang Palasyo.

Chapter VIII

Maghahating-gabi na ng maka-uwi siya. Tulog na ang ibang kasamahan nito sa bahay.

Pagkatapos ng halos sampung oras na coverage sa tinagurang  “ManilaPen siege,”  sinubukan niyang sariwain ang lahat ng kaganapan.

Pilit tinitimbang mga implikasyon ng pangyayari sa sarili at sa karamihan sa mga Pilipino.

Binabalikan sa isipan ang mga pangyayaring naging bahagi na ng magulong kasaysayan ng kaniyang bansa.

Humithit ng sigarilyo.

Malamig ang simoy ng hangin ng gabing iyon, magpapasko na.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s